Latest News‎ > ‎

PASKONG GLDMES 2015

posted Mar 3, 2016, 7:03 PM by Pilinda Rose Dominguez


Ni: Bb. Aurora V. Sibug (Guro sa 5 - Venus)


Nadama muli ang diwa ng pagbibigayan, walang patid na kasiyahan at lubos na pagpapahalaga ng bawat mag-aaral, guro at mga magulang ng paaralang G.L. David matapos na makiisa sa pagdiriwang ng kinapapanabikang kaganapan ng lahat lalo’t higit ng mga bata, ang Christmas Party. Taun-taon, tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre nagaganap ang espesyal na pagdiriwang na ito at noong ika-18 nga ng buwan, sa pangunguna ng punong guro ng paaralan na si Gng. Ma. Jovita B. Singzon, napuno ng mga di-malilimutang karanasan, kagalakan at mga nakaaaliw na presentasyon ang isang buong araw na pagsasalo-salo, pasasalamat at higit lalo ang paggunita sa pagsilang ng Dakilang Tagapagligtas.

Umaga pa lamang ay sinimulan na ang pagdiriwang sa pamamagitan ng maikling programa na kinapalooban ng ibat-ibang presentasyon at surpresang bilang na pinagbidahan ng mga  kandidata ng Gng. Generosa na hindi nagpahuli at talagang nagpamalas ng mga husay sa pag-indak. Patunay lamang na sila’y handa na para sa nalalapit na Araw ng Koronasyon na magaganap sa buwan ng Enero taon 2016. Bahagi pa rin ng palatuntunan ang pamamahagi ng mga sertipiko sa mga guro ng paaralan na pinangunahan ni Gng. Singzon, kasunod ang mensahe at malugod na pagbati ng Ikalawang Pangulo ng  GPTA na si Gng. Elizabeth Lacaden bilang pagwawakas sa unang bahagi ng pagdiriwang. Agad na sinimulan naman ang pagdiriwang ng bawat guro ng Class Christmas Party sa kanya-kanyang silid aralan katuwang ang mga magulang na nakisalo sa masayang selebrasyon.

Di rin nagpahuli ang mga guro, GPTA at SPG Officers sapagkat sila naman ang lumasap ng saya, pagkasabik, aliw at pagpapalitan ng mga bitbit na regalo sa kanilang sariling Christmas Party Celebration na ginanap sa hapon ng parehas na petsa. Natapos ang buong araw na puspos ng pagmamahalan, pagbibigayan at di mapapantayang kasiyahan bitbit ang positibong pananaw at dalangin ng maayos, mapayapa at mas maunlad na 2016. 

Comments