Latest News‎ > ‎

PAGDIRIWANG NG RIZAL DAY SA LUNETA PARK

posted Mar 3, 2016, 7:14 PM by Pilinda Rose Dominguez   [ updated Mar 3, 2016, 7:17 PM ]

Ni. Bb. Aurora V. Sibug (Guro sa 5 - Venus)

            Ika-30 ng Disyembre nang naitala sa kasaysayan ng Pilipinas ang magiting at kahanga-hangang kamatayan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal matapos ang matalino at  matatag na prinsipyong ipinamalas niya upang tuligsain at ipahayag sa kanyang mga akda at lathalain ang mga pang-aabuso at paniniil ng mga Kastila sa kanyang mga kababayan na ating mga ninuno. Tumatak ang tunay na kabayanihan ni Rizal sa bawat mamamayanang Pilipino matapos na siya’y hatulan ng mahabang panahon na pagkakakulong at sa huli’y pinatawan ng parusang kamatayan matapos na mapatunayan  ng pamahalaang kastila ang kaugnayan niya sa mga akda at pahayagang naglalaman ng makatotohanang kaganapan sa pananakop na ginawa ng mga mapang- abusong kastila sa ating bansa. 

            Kaugnay nito, taon-taon ay ipinagdiriwang di lamang sa ating bansa ang kabayanihan ni Rizal maging sa ibang lugar sa mundo. Sa lugar naman kung saan ipinataw sa kanya ang kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril sa kanya ng nakatalikod sa Bagumbayan na ngayon ay kilala bilang Luneta Park ay isinagawa ang pag ala-ala sa kanyang pagiging tunay na maka-bayan kasabay sa araw ng kanyang kamatayan. Sa panguguna ni Pangulong Benigno Aquino katuwang ang ilang haligi ng pamahalaan, mga magigiting na sundalo at kapulisan, mga taong nagsidalo sa paggunita kabilang ang ating paaralang G.L. David, sa pangunguna ng ating butihing punong-guro na si Gng. Ma. Jovita B. Singzon,muling sinariwa ng lahat ang mahalagang araw na ito bilang pagsaludo at pagdiriwang ng ika- 119  ni Rizal na isa sa naging hudyat ng malawakang pagkakaisa at pakikibaka ng ating pagkamit sa matagal ding inasam na kalayaan. Mula sa pagtaas ng bandila ng bansa hanggang sa gitnang bahagi ng pole na tanda ng paggalang sa mga bayaning namayapa na, sa pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Rizal hanggang sa maka hulugang gun salute na pinangunahan ng mga sundalo mula sa Sandatahang Lakas ng bansa, naging makabuluhan ang nasabing pag ala-ala na naganap ika-30 ng Disyembre sa Luneta Park at muling napatunayan na di mawawaglit sa kamalayan at kaisipan ng bawat Pilipino ang katapangan, katalinuhan at kabayanihang inalay ng ating Pambansang bayani na si Rizal makamtan lamang ng mga kapwa niya Pilipino ang kalayaan at kaginhawahan ng puso at damdamin.

 

 

Comments