announcement‎ > ‎

Teacher’s Day, Ipinagdiwang….

posted Oct 22, 2009, 11:49 PM by Roxanne Rueda

        “Handog pasasalamat para sa mga gurong matatapat”. Ito ang tema ng ika-13 taong anibersaryong pagdiriwang ng Teacher’s Day noong ika-5 ng Oktubre 2009. Bahagi ng nasabing pagdiriwang ang pagbibigay parangal sa mga natatanging guro ng Lungsod ng Balanga pampubliko man o pribado. Kasama na rin sa pagbibigay parangal ang mga retiradong guro sa unang baitang.

 

          Sinimulan ang pagdiriwang ng isang misa bilang pasasalamat at pagbibigay papuri sa Panginoong Lumikha. Sinundan ito ng isang Roll Call. Isang mensahe ng pagbati at pagtanggap ang ibinahagi ng ating mabait at kapi-kapitagang Assistant Schools Division Superintendent Leonardo Zapanta . Lubos ang kasiyahan ng mga guro nang lumahok din sa nasabing pagdiriwang ang Punong Lungsod ng Balanga Jose Enrique “Joet” Garcia. Kasunod naman niyang dumating sa lugar ng pagdiriwang ang kanyang butihing ama at pinagkakapitaganang ama ng Lalawigan ng Bataan na si Gobernor Enrique “Tet” Garcia. Kapwa sila nagbigay ng mensaheng makabuluhan, puno ng kasiyahan at pag-asa upang mas lalo pang itaas ang integridad at kalagayan ng mga guro higit lalo ng buong Lalawigan ng Bataan.

 

          Iba’t ibang palaro gaya ng mga relays at iba pa na talagang nagpaangat sa katuwaan at pagiging agresibo ng mga sumaling mga guro. Lalo pang tumindi ang kompetisyon ng magsimula sa paligsahan ng sayaw ang mga guro sa distrito nasasakupan ng lungsod, ang una at ikalawang distrito. Nagpamalas sila ng husay sa pagsayaw ng katutubong sayaw ng bansa. Makukulay na kasuotan at makatotohanang paggalaw upang maisabuhay ang pagsayaw ang ipinakita ng mga gurong kalahok sa nasabing paligsahan na lalong nagpaigting sa kompetisyon. Sa huli, nakamit ng ikalawang distrito ang pwesto ng mga pinakamagaling sa pag-indak ng katutubong sayaw.

 

          Nagsalu-salo ang lahat sa masaganang meryenda at tanghalian na nagpabusog sa lahat ng mga dumalo. Bago pa man matapos ang makabuluhang pagdiriwang sa araw ng mga guro ay ipinagkaloob at ipinamahagi na ang parangal sa mga retirado at mga piling mga guro ng unang baitang. Napasa-kamay ng guro ng tiga-Cupang Elementary School sa unang baitang ang parangal na pinakamahusay na guro. Bilang pangwakas, ay nagbigay naman ng kanyang makahulugang mensahe si PSDS-OIC Jessie D. Ferrer sa lahat ng mga guro ng lungsod.

 

          Natapos ang programa na puno ng galak, pag-asa, hamon at taas noong pagmamalaki ng mga gurong matatapat na bahagi ng lipunang matatag, maprinsipyo at may mabuting hangarin upang lalo pang umunlad at isulong ang programa ng lungsod ang “World Class University Town 2020”.

 

Comments